SANDIGAN
NG TAONG BAYAN: TULFO, SISTEMA NG HUSTISYA SA MAKABAGONG PANAHON
MABABAW.
Mababaw ang dahilan para ang isang guro ay mawalan ng lisensya.
MABABAW.
Mababaw ang kaalaman ng magulang at ni Tulfo sa hinggil sa pagtuturo at
pagdidisiplina ng bata.
MABABAW.
Mababaw lang ang disiplina (parusa) na ibinigay ni Ma’am sa bata. (pinalabas ng
room, dahil di dala ang card. Mabuti’t binigyan pa nga ng upuan ang bata para
makaupo)
MABABAW.
Mababaw ang gustong disiplina na ipataw nitong Tulfo sa bata. (gusto niya sana
ipalipat na lang daw sa ibang upuan ang bata. “Kung nasa first row siya, ilagay
n’yo sya sa back row” ayon sa magiting na host. KATAWA-TAWA)
MABABAW.
MABABAW ANG BUONG ARGUMENTO PARA YURAKAN, MALIITIN AT TAWAGING KRIMINAL ANG
GURO.
Kamakailan lang, lumabas ang isyu ng
pagrereklamo ng magulang kay Tulfo dahil sa pamamahiya (daw) ng guro sa
kanilang anak. Natatawa na lang ako habang pinapanood ko ang pagrereklamo
nitong mga magulang. Pero sa likod ng pagtawa ko ay ang inis na nadarama ko
mula umpisa pa lamang ng bidyo hanggang sa matapos.
Kasabay ng pagiging moderno ng mundo,
nagbabago-bago na rin ang mga nagiging lunsaran natin sa mga bagay-bagay. Isang
halimbawa nito ay ang pagkakaroon ng palabas na “Tulfo in action”, na kung saan
dito nagrereklamo ang mga tao kung ikaw ay may hindi kasundo. Nakakabahala ang
ganitong uri ng sistema ng hustisya sa bansa. Kung titignan natin ang adhikain
ng palabas na ito ay maganda, lalo na’t kung hindi mo alam ang gagawin mo kapag
nasangkot ka sa gulo. Ayon din sa palabas na ito, ayaw nitong may napapahiya o
may natatapakang tao. Pero sa tingin ko tuwing may nirereklamo rito napapahiya
ang mga taong nireklamo. Hindi ko mawari kung tinitignan ba talagang ng tulfo
in action ang ugat ng problema o nakabse lang sa emosyon ng nagrereklamo. At
kung titignan natin sa mas malawak na pagtanaw, ganito na lamang ba ang sistema
ng hustisya na gusto nating ipamana sa mga anak o susunod na henerasyon
natin?
Bukod pa roon, ang isyu ng pangingialam
ng magulang sa pagdidisiplina ng guro sa loob ng klase. Walang mali sa
pagingialam ng magulang sa nangyayari sa kaniyang anak sa loob ng klase, lalo
na kung ang anak mo ay nasasaktan na ng pisikal at emosyonal, pero sa sitwasyon
na ito hindi katanggap-tanggap ang pagrereklamo ng magulang sa guro. Gaya ng
nabanggit ko sa itaas, masyadong mababaw ang argumento nitong mga magulang para
sigaw-sigawan nitong lola ang guro. Hindi nag-aral ng apat na taon sa kolehiyo
(bukod pa doon ang M.A. at Ph.D) ang guro para lang sigaw-sigawan ng kung sino.
Naniniwala ako na alam ng guro ang ginagawa niya sa loob ng klase.
Nais pa ng panig ng bata na kasuhan ang
guro ng “Child Abuse” kuno, pero batas na ito ay masyado nang inabuso ng mga
magulang na tino-tolerate ang anak nila. Kaya maraming bata ang bastos, hindi
na marunong gumalang sa nakakatanda dahil mismo sila ang nagtuturo ng mali.
Tunay ngang nagbago na ang panahon, kung ang kultura natin dati ang lahat ng
estudyante ay takot sa guro, ngayon ang guro na ang dapat matakot sa
estudyante. Hindi ba naisip nitong mga magulang na ito na hindi magiging
matagumpay itong anak nila kung wala ang mga guro? Bakit ganoon na lang nag
trato nila sa mga guro?
Isang hamon ito sa bawat isa sa ating
nabubuhay sa ibabaw ng lupang ito. Alam kong hindi pa huli ang lahat para sa
pagpapanatili ng kultura. Kaya para sa mga magulang at magiging magulang,
hahayaan na lang ba natin na mawala ang kulturang ipinamana ng ating mga ninuno
pagdating sa mataas na pagtingin sa guro? Magnilay at mag-isip ka.